Skip to content

Rites of Passage

07 Nov 2009
Biyaheng Lupa: Ang paghahanap ni Mickey

Isang paglalakbay sa katahimikan at kamatayan.

Sabi nga ng cliché, “it’s not the destination that matters, it’s the journey itself.” Kesehodang may naghihintay sa iyo sa terminal ng bus, o sa end of the road, ang importante ay ang naging paglalakbay. Ilang tula na ba ang gumamit ng paglalakbay bilang metapora ng buhay? Hindi naman sa gasgas na, pero siguro hindi na rin road less travelled ang ganitong alegorya. Pero interesante ang mga estilong ginamit ni Armando Lao para sa biyaheng ito. Di tulad ng kumbensyonal na mga pelikula na kung saan may bida at kontrabida, walang iisang tauhan na sinundan ang naratibo ng Biyaheng Lupa. Dahil walang pokus sa iisang tauhan, nagagawang idistansiya ng filmmaker ang mga manonood mula sa tauhan. Sa halip na lumikha ng mga indibidwal, ayon kay Joel David, ang nalilikha ng multiple character film format ay ang social milieu bilang karakter. Sa kaso ng Biyaheng Lupa, ang karakter na sinundan ng naratibo ay ang biyaheng Manila-Legazpi.

Sa sanaysay ni David tungkol sa multiple character film format, ginawa niyang halimbawa ang pelikula ni Robert Altman na Nashville. Sa pamamagitang ng 24 arketipong tauhan, nagawang isalarawan ni Robert Altman ang pulitika, ekonomiya at kultura sa Nashville noong dekada ’70 bilang sentro ng country music sa Estados Unidos. Hindi tulad ng Nashville, walang partikular na social milieu na nais isalarawan si Lao sa Biyaheng Lupa. Maaring itong naging biyaheng Baguio, o di naman kaya Cagayan, o kaya Baler. Basta ba mahabang biyahe sakay ng bus. Ganunpaman, may partikular na sapul ang pelikula patungkol sa isang uri o sektor. Iyun ay ang mga mamamayang biyahero.Maaring lower-middle class o di naman kaya mas mababang uri na kayang magbayad ng pamasahe ng aircon na bus pa-Bikol. Pansin ang pagkamalay ni Lao sa uring kanyang tinatalakay nang marinig natin ang pagtataka ng ni Lilian (Angel Aquino) kung bakit nag-bus si Helen (Jaclyn Jose) kahit na may kotse ito. Gayundin, kalakhan ng mga agam-agam ng mga biyahero sa bus ay malimit na may kinalaman sa pera o kaya sa hirap ng buhay: ang lady driver sa Oman, ang anak na naghanap ng buhay sa ibang lugar, isang tumataya ng kapalaran sa networking business, isang nagahahanap ng mauutangan para magpundar ng negosyo at iba pa. Syempre, nariyan din bilang mga tauhan ang mga naghahanap ng sarili, tumatakas sa problema, naghahanap ng solusyon sa problema, mga nagbabakasakali at mga nagbabagong buhay. Ang interseksyon ng mga biyahe, o ng mga buhay natin for that matter, ay mga “sana” at “baka.” Gayong metapora ang biyahe ng mismong buhay, sa Biyaheng Lupa, pansamantalang tumigil ang mga buhay ng mga tauhan sa naratibo ni Lao. Walang ibang kaganapan kundi iyong naganap na at magaganap pa lamang. Mas nakikilala natin ang mga tauhan hindi sa kanilang ikinikilos at/o anyo kundi sa kanilang iniisip. Bagay na imposible sa tunay na buhay, o kahit na sa pelikula. Ang tanging basehan natin sa pagkatao ng mga nakakasalamuha natin ay kung ano lamang ang ating nakikita, naririnig, napapansin at nadarama. Sa Biyaheng Lupa, binigyan tayo ng super power ni Lao para basahin ang iniisip ng kanyang mga tauhan. Bagay na ginagawa ng isang manunulat at hindi ng isang ordinaryong filmmaker.

Biyaheng Lupa: Ang dilemma ni Obet

Ang dilemma ni Obet: pagsilbihan ang pamilya o sundin ang pansariling pakikipagsapalaran?

Kung meron mang bago sa Biyaheng Lupa, iyon siguro ay ang paggamit ng voice over sa kalakhan ng pelikula. Imbes na marinig natin ang sinasabi ng bibig, pinaririnig sa atin ni Lao ang takbo ng utak ng kanyang mga tauhan. Makikita sa subtitle ng Biyaheng Lupa na “Soliloquy” ang alusyon ni Lao sa literary form na ito na nangahalugan ng repleksyon, pagkausap sa sarili o monologo ng isang tauhan. Sa mga nobela at tula, maaari nating basahin ang mga iniisip at nadarama ng mga tauhan. Pero hindi sa pelikula na biswal ang pangunahing midyum. Kaya nga ang malimit na batas sa pagsusulat sa pelikula ay show don’t tell. Sa kasong ito, nilangkap ni Lao ang literary form sa film language. Sa isang banda, mayroong pagtingin na naging convenient para kay Lao ang ganitong estilo para magawang bumuo ng maraming karakter sa espasyo ng biyaheng Manila-Legazpi. Mahirap nga naman kasi na bumuo ng mga karakter sa isang biyahe na minimal lamang ang maaring majita at gawin –manood ng ipinapalabas na pelikula, tumunganga, magmoment sa bintana, chumika sa katabi at maghilik. Dito makikita ang kaibahan ng estilo ni Altman bilang direktor, at ni Lao bilang beteranong manunulat sa unang pagtatangkang maging direktor. Minaksimisa ni Altman ang film language. Sa isang eksena, inialay ng isang palikerong bokalista (Keith Carradine) ang kanyang kanta sa isang babae. Gamit ang epektibong framing at editing, naipakita ni Altman kung paanong may apat na babaeng nag-iisip na baka sa kanila iniaalay ang kanta, habang ipinauubaya na ni Altman sa manonood na ang pag-imagine sa thought bubble ng bawat isa. Habang sa Biyaheng Lupa ni Lao, binigyan niya ang mga piling biyahero ng kani-kanilang moment para mapasok ng mga manonood ang kanilang pagmu-muni-muni. Pero yun na nga, tama ang nauna nang rebyu ng pelikula. Ang Biyaheng Lupa ay isang “writer’s film.” Maaaring projection ito ni Lao sa maingay nyang isip bilang rayter. Gayong matagal na si Lao sa industriya ng pagpepelikula, ngayon lamang nabigyan siya ng pagkakataon na isapelikula ang sariling iskrip. Maaring bersyon niya ng Trip to Quiapo o manwal ng makabagong pagsusulat sa pelikula. O kaya isang writing exercise sa pagbuo ng mga arketipo. Maihahalintulad ang pagtatangkang ito ni Lao sa pagdidirek sa directorial debut ng quirky scriptwriter na si Charlie Kaufmann sa Synecdoche, New York. Mahirap na isapelikula ang mga iskrip ni Kaufman laluna ang Synecdoche, New York dahil ginagawa niyang biswal ang mga dapat sa isip lamang ng tauhan nananahan gaya ng takot sa kamatayan, pagbura ng alaala at labis na lumbay. Tulad ng Biyaheng Lupa, mas matingkad pa rin ang pagiging rayter ni Kaufman kesa direktor. Marami sa mga batang rayter sa pelikula ngayon ay, kung hindi man lihim, hayag na ginagawang stepping stone ang pagiging scriptwriter para maging ganap na filmmaker (Pero marami naman talagang mga direktor na sila mismo ang nagsusulat ng kanilang iskrip). Ngunit iilan lamang ang mga tulad ni Lao, kahit na nabigyan ng pagkakataon na magdirek, na ang katapatan ay nasa propesyon niya bilang manunulat sa pelikula.#

Biyaheng Lupa: Ang lihim ni Helen

Si Helen: Patagong pagbiyahe ng gitnang-uri.

Biyaheng Lupa (Soliloquy) | dir. Armando Lao | Cast: Jacklyn Jose, Julio Diaz, Coco Martin, Angel Aquino, Eugene Domingo, Susan Africa, Shamaine Buencamino, Mercedes Cabral, Carlo Guevara, Allan Paule, Andoy Ranay, Archie Ramos, Jess Evardone, Jose Almojuela, Isabella de Leon, Mely Soriano | 2009

 

Editors’ Note: Ang rebyung ito ay nauna nang nailathala sa Viewer Discretion.

No comments yet

Leave a comment