Skip to content

Sa Dambana ng Kinatay

07 Dec 2009
Kinatay: Rehimen ng kadiliman

Sa poder ng dilim at kahirapan nagkakaroon ng negosasyon at kontest sa kapangyarihan.

Hindi ko gustong naririnig ang direktor at manunulat na tinatalakay ang kanilang obra. Parating sobra, wala naman ito sa natunghayan pero mala-magic na ipapaliwanag ng artist na ito ang kanyang layon. Sa literatura, sinasabing “the author is dead” sa akto ng pagbabasa. Walang babalingan na awtor bilang sanggunian kung ano ang kanyang intensyon o kung ano ang dapat nitong afekto sa mambabasa.

Pero naiiba ang open forum na kinatampukan ni Brillante “Dante” Mendoza, dahil masalimuot ang daan tungo sa Philippine premiere ng Kinatay (2009) sa UP Cine Adarna. Ito ang gabi ng pagpapakita ng mga ulo ng hydrang administrasyon ni Gloria Arroyo. Una ay ang pagpasok ng MTRCB na lahat ng pelikulang ipinapalabas sa Cine Adarna ay dapat dumaan daw sa kanilang pag-aproba. Ikalawa, na sa kaso ng Kinatay, magfa-file sila ng TRO (temporary restraining order) kung hindi ito dadaan sa screening ng kanilang opisina.

At ikatlo, kababa pa lamang ng anunsyo ng pandagdag (apat na appointees ng Malakanyang, kinabibilangan ni Cecille Alvarez, ang pinuno ng opisina namamahala sa pamimili, pati sina Pitoy Moreno at Francisco Manosa, lalo na kay Carlo Caparas para sa [masaker na] pelikula at sining biswal [gayong di naman ito nagdro-drawing]) at pagbabawas (sa kaso ni Ramon Santos na sa katunayan ay mayroon nang nakahandang parangal ang UP sa inaakalang pagkakataong mapapabilang dapat).

Akma ang pelikula sa pagkatay sa akademiko at artistikong kalayaan. Sa pelikula, 24-oras na tinunghayan ang buhay ni Peping (Coco Martin) isang estudyante ng criminology, gayong mayroong nang karanasan sa kotongan. Ang araw ng kanyang kasal at panlabas na gawain para sa pulisya ay ang magiging binyag nito sa sindikato. Ito ang gabi ng pagpatay (“chop-chop”) sa babaeng nagtraydor sa sindikato.

Malinaw ang artikulasyon ng politikal sa pelikula ni Mendoza—ang antas ng korapsyon sa panlabas na gawain ng pulisya; ang mga estudyante na maaga pa lang ay kalahok na sa unprofesyonalismo ng kanilang profesyon; ang pang-araw-araw na inisiasyon sa karahasan; ang panganib ng pagiging babae sa hypermaskulidad ng sindikato.

Sa huli, ang binyag ni Peping ay isang gabi na hindi na niya muling maibabalik. Ito na ang simula ng kanyang katapusan. Nawala na ang innocence, kahanay na niya ang iba pang kasapi ng sindikato. Kung sa babae ay literal na Kinatay, ang kay Peping ay figuratibo, sa antas ng kanyang pagkatao.

Ikinuwento ni Mendoza ang naging negosasyon sa MTRCB, at ang bottomline na kapag may punahin ito, kahit isang segundong gusto nitong ipalaglag, hindi siya papayag na ipalabas ang kanyang pelikula. Kahit pa exempted ang Cine Adarna dahil sa akademikong kalayaan sa Konstitusyon at sa batas ng UP bilang National University, at sa batas na lumikha ng MTRCB, nagsegurista na lamang si Mendoza na ipadaan na rin ito, lalo pa’t may malinaw na proviso.

Ang kadiliman ng pelikula ay una nang nakipag-usap sa mga pelikula ng second golden age ng Philippine cinema, na kakatwang umunlad sa panahon ng diktaduryang Marcos. Madidilim, masisikip ang mga pelikula bilang pagsambit sa pakiwari sa ilalim ng diktadura. Ganito sa Maynila sa Kuko ng Liwanag, Manila by Night, Bona, Jaguar, Sister Stella L, na pansin ng isang Aleman na kritiko, ang kakatwang gamit ng kadiliman sentral na tauhan ay isang marka ng pelikulang Filipino.

Na hindi rin hiwalay sa natatanging gamit ni Mendoza sa nauna nitong mga pelikula: Masahista, Tirador, at Serbis na sa internal at panlabas na dilim natutunghayan ang tunay na kaganapan sa bansa. Sa poder ng dilim at kahirapan nagkakaroon ng negosasyon at kontest sa kapangyarihan, kung paano ang nasa abang lagay ay pang-araw-araw na nabubuhay at isinasabuhay ang kawalan ng politikal na kapangyarihan.

Mga 20 taon nang tapos ang second golden age at patuloy pa rin itong across-the-ages na pakikitunggali ng pelikula sa historikal na kaganapan sa lipunan. Sa ilalim nang pinakamadilim na yugto ng pambansang administrasyon matapos ang diktaduryang Marcos, hindi ring kakatwa na namulaklak ang third golden age, ang era ng indie digital cinema, sa panahon ni Gloria Arroyo.

Sa panahong ito, patuloy na kinakatay di na lamang ang materyal na kondisyon ng nakararami, kundi pati ang pagkatao. Ipinapatanggap ang pagkatay bilang poder ng pambansang kapangyarihan. Sa dambanang ito, nawawala at nanlalaban ang pagkatao. Hindi panghabangbuhay ang ginintuang panahon ng sining dahil hindi rin panghabangbuhay ang tiraniyang nagluwal nito. # Rolando B. Tolentino, Contributor

Kinatay (The Execution of P) | dir. Brillante Mendoza | Cast: Coco Martin, Julio Diaz, Mercedes Cabral, Jhong Hilario, Maria Isabel Lopez, John Regala | 2009

Editors’ Note: Ang rebyung ito ay nauna nang nailathala sa Pinoy Weekly.

No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: