Skip to content

Anong Klaseng Saksi ang Piping Tom na ‘to mula sa Kisame

19 Mar 2008

Kung ang bahay na may ilang kuwartong paupahan ay may isang caretaker na nakikipag-eplokan o nakikipagbembangan sa isa sa mga nangungupahan, tapos, ang bawat pamilyang umuupa ay napagpapalipasan pa niya ng oras sa pamboboso, ano kaya sa palagay n’yo ang mangyayari? Katrahe-trahedya, katawa-tawa o kumbinasyon ng dalawa?

‘Yan ang pamamalagay ni Jon Red bilang filmmaker ng istoryang pinalawig sa isa na namang bagong hain ng digital pelipulang ito.

Ginagawa ni Jake (Epi Quizon) ang lahat ng trabaho para sa maintainance: andoong mag-elektrisyan, magdyanitor siya; ng up and down na bahay-paupahan. Pag-aari ito ng isang Tsinoy. Umuupa rito ang mga pamilyang may anak na namimihasang mangupit, mag-asawang ang lalaki ay tsantsing nang tsantsing sa pamangking tisay na Caucasian, mag-asawang Katolikong Pundamentalistang nabiyayaan ng sobra-sobrang bilbil pero mahilig magpagana ng porno bago lumantak sa hapag-higaan, dalagang palaging mahahaba ang panlabas na bihis pero isinasayaw sa harap ng salamin ang tuwa sa suot na bra’t panting pang-open bikini contest, at ang selosang kabembangan ni Jake.

Naging hilig ni Jake ang pamboboso dahil naburyong siya sa pag-aasikaso sa bahay-paupahan. Kapag nasa isang karaniwang bahagi ng bahay, lulugu-lugo at patungga-tungga lang siyang katagayan ng dalawang barkada. Sa isang pagkakataon ay binanggit pa niya ang suya sa ganitong klase ng rutin at bisyo. Pero kapag nasa taas o kisame ay nagkakaroon ng buhay ang pakiramdam niya. Lalong pumitlag ang buhay sa puso(n) niya nang mangupahan ang kakakasal na si Cecile (Katya Santos,) ang bantang kapalit ng mga
flavor of the month na binobosohan niya.

Mula sa kisame ay Piping Tom na saksi si Jake. Lantad na lantad sa kanya ang mga pangmatalik at pang-nag-iisang asal na napamihasnan ng bawat binobosohan. At sabi nga sa mga serye-porno kolum ng mga tabloid – ang pagkalantad ng iba’t ibang hugis ng
mga naghuhumindig na dibdib, mahihiyas na puklo, at mga wetpaks ng mga dati at kasalukuyang flavor of the month ng puso(n) niya. Pero kapag kahalubilo na ang mga nangungupahan, maraming sinasabi tungkol sa kanila ang loob ni Jake: tsumitsika, nagmamalasakit, umuunawa. Dahil punumpuno ng saloobin, kung minsan ay nadudulas tuloy ang dila niya.

Minsan, paglipas ng isang magdamag, nakatulog siya sa tabi ng butas sa tapat ng kuwarto ng mga bagong kasal. Habang himbing na himbing si Cecile, babangon ang asawa mula sa tabi niya. Nausyoso ang asawa sa hilik na nanggagaling sa kisame. Tumuntong siya sa silya malapit sa isang mababang aparador para tiyakin kung sa kisame nga naggagaling ang hilik. At dito magsisimulang magkasamid-samid ang saloobin ni Jake.

Masusundan pa ito ng mga pangyayaring maglalapit sa kanya at kay Cecile. Sakto lang sa bandang climax para ang kalakarang minamantini sa bahay-paupahan ay pinagmukhang sinapupunang binuntis ng pitlag na galing sa loob ni Jake. At ang nakikiskisan nitong mga buhay ng mga nangungupahan ay siya namang panubigang puputok pagdating ng tamang araw sa kabuwanan ng resolusyon.

Sa ano hahantong ang itsura, lagay at saloobin ng isang nasuya, pinitlagan ng buhay-Piping Tom sa puso(n) na caretaker pagkatapos ang isang kabanata ng paglalakbay sa buhay?

Makaraang mauwi sa balyahan ang mga bungguang-siko’t balikat kaya naglabu-labo ang mga buhay nila sa mga pasilyo at sala ng bahay-paupahan, malungkot pala ang nasa itaas sa kabila ng pagkakataong nakikita ang lahat, ito ang nalaman ni Jake. Paglipat sa ibang amo ay natutunan pa niyang mas oks ang pamumuhay ng mga nasa ibaba bilang dyanitor na lang, (literal kasi na nakaapak sa lupa?)

Kapag tiningnan ang karakterisasyon, si Jake ay isang palainggles (ganundin ang isa sa kainumang barkada at isa pang pedikab drayber,) mahilig tumugtog ng folksy/jazzy/bluesy na musika sa saliw ng classical na gitara. Ang kabembangan ni Jake ay di naipakita kung ano ang pinagkakaabalahan sa buhay maliban sa pakikipagbembangan sa kanya. Medyo may bara tuloy sa pag-unawa ng manonood kumbakit siya malambing at masidhing magselos. O, dahil ang simpleng sarap kasi
ng pakikipagbembangan ay sapat nang dahilan para ariin ng isang kasarian ang isa pa?
Dalawang aspekto lang kasi ng buhay ang naipakitang tumutulak sa mga kilos dito ng karamihan ng mga karakter: una, ang pag-enjoy nila sa anomang klaseng hilig ng katawan; at ikalawa, ang pagpapakaladkad ng mga katawan nila sa bugso ng damdamin. Kaya nagpapaubaya ang pelipula na ang manonood na lang ang pupuno ng lohika sa mga motibasyon ng bawat karakter para maintindihan kumbakit adelantado ang mga kilos
nila sa kabuuan ng pelikula. Sa tingin ko, ang mag-asawang bilbilin lang ang nabuo ang mga karakter.

Mula sa kanya-kanyang kuwarto, kinapos ang paramdam ng production design para paalagwahin ang konek ng mga karakter sa mga nangyayaring gimik sa labas ng apat na
sulok ng bahay-paupahan at pader nito para maging kapani-paniwala ang mga kumbiksyon nila. Ang puntong ito rin sana ang magsasabi na ang cinema ni Direk Jon
ay Pinoy bukod sa nasyunalidad niya pati ng mga aktor at crew. Maging ang eksenang pagbukas ng geyt na naglantad sa pedikab ay p’wedeng pagkamalan na ang Boso ay isang Indonesian, Malaysian, Indian, Thai, Vietnamese o kung ano pang Asyanong bansa ng filmmaker. O kaya, sa pinakamalayo ay mapagkamalan itong gawa ng, at galing sa isang Mexicano o alinmang Amerikano Latinong filmmaker.

Pero dahil nakagawa na ng ingay sa abrod ang pangalang Jon Red, dagdag pa ang magiging mga press release kung saan ito ipalalabas, saka lang malalaman ng nakaaalam
na manonood sa ibang bansa na Pinoy pala ang pelipulang ‘to. Sadya ba o hindi ang
pagpapaka-universal ni Direk Jon sa pag-urirat ng sekswalidad? Ang problema ay hindi rin ito naikonek sa isang partikular na planeta, bansa, syudad o barangay ng mga taong lumalarga ang bagong sekswalidad sa kabila ng lumang sekswalidad na itinakda ng
nangingibabaw na moralidad ng kultura nila.

Weno ang solar system na walang daigdig ang mga planeta, ang daigdig na walang Pilipinas, ang Pilipinas na walang sambayanan, ang sambayanang walang mga uring may kanya-kanyang pananaw at paninindigan, ang mga uri na walang malinaw na otibasyong
pinanggagalingan ang bagong sekswalidad na katingi ng lumang moralidad ng dominanteng kultura?

Sa gitna ng panonood ay sumagi sa isip ko ang Hole, isang Chinese-Taiwanese na pelikula. Dahil sa problemang tinukoy ko, ang pag-ripped off, homage, inspirasyon, kung hindi man ito direktang panggagaya ng konsepto ay sumablay. Pasalamatan ang iba’t ibang hugis ng mga boobs, bewang at wetpaks ng kababaihang ipinaboso sa mga eksena dahil ang mga ito ang magdadala sa tagumpay ng pelipula sa takilya?

Taas-kamay-sabay-yuko rin sa hand-held pero mahusay na pagkaka-kontrol sa pag-iwas sa mga sunog at madilim na kuha, na siyang madalas na problema sa mga digitally shot na pelikula.

Ang pambuburloloy ng iba’t ibang hugis ng mga boobs, bewang, wetpaks ng kababaihan, idagdag pa ang pagbibilad ng pudengdeng, nang wala lang sa kabuluhan ng kabuuan ng istorya ng pelikula para lang kumita, ay matagal nang tinawag na pagpuputa, sexism, machismo, patriarchal, chauvinism, barbaric, primitive. Lalo na kung ang isang lipunan at ang industriya ng pelikula nito ay dudura-dura ng bugal-bugal na dugo at isang bulate na lang ang hinihintay na pipirma.

Pero eksakto at iba’t ibang hugis nga ng mga boobs, bewang, wetpaks ng kababaihan, at pudengdeng ang madaling pagkakitaan sa ganitong panahon. Buti na lang, illiterate yata ang bulate at wala itong hinlalaki para mag-thumb mark. May pagkakataon pang makasinghap ng hininga ang lokal na industriya ng pelikula. Kung hindi, nakupo! Kung walang gaya ni Direk Jon, tiyak na sa hukay na may kangkungan pupulutin at wala nang ka-taste-taste ang kinabukasan ng pelikulang Pilipino?

Mapapansin ang lipad ng utak ni Direk Jon sa laro sa kamera. Sa pamamagitan ng paggaya sa konsepto ng Hole, mahirap nga naman sabihing wala sa hulog ang trato ng
kamerang mamboboso. Ulit, kaya lang, hindi katwiran ang panghihiram ng konsepto para lang maiburloloy ang maseselang parte ng katawang ng babae sa pagpapalusog ng industriya at sining ng pelikulang Pilipino. Sa totoo lang e, wala ngang ibinilad na katawan ng babae sa Hole. O, di ba, haler, mukhang orig tuloy ang Boso.

Sa puntong ito, maitatanong ko kay Direk Jon at sa lahat ng nagsasabing mga independent filmmaker, na, kung ang paggamit ng skills at aesthetics ninyo sa filmmaking ay kapareho rin ng paggamit ng skills at aesthetics sa filmmaking ng mainstream studios, paano naging independent ang effort ninyo? Kung ang mga
sinasabi ng pelikula ninyo ay pareho rin naman ng mga sinasabi ng mga pelikulang prinodyus ng mainstream productions, paano naging indie ang mga sinasabi ng pelikula ninyo? Sa madaling salita, ke digital video o 35 mm. pa ‘yan, pa’no ba talaga ang maging indie filmmaker? Lima singko na rin ba talaga ang indie filmmaking?

Naiintindihan kong mahirap para sa isang artist/filmmaker ang pagbaba ng lifestyle kasabay ang paghihingalo ng industriya na siyang pangunahing pinaggagalingan ng raket ng mga filmmaker. Kailangang kumita, oo, ng lahat ng uri mamamayan sa isang lipunan: tagatulak ng kariton sa sementadong kalsada, tagabugaw ng mga ibon sa bukid, manedyer at empleyado ng mga upisina, tagapondo ng isang negosyo, lahat ay kailangang mamantikaan lagi ang mga labi. Pero para samantalahin ng isang filmmaker/artist ang kamatayan ng isang sining at industriya para sa sariling bulsa at pagpapasikat lang, di kaya mas masahol pa siya sa mga kinabuburatang filmmaker/artist at prodyuser na
nagpapasasa sa mainstream na industriya at pulitika?

Ganumpaman, ang Boso ay isa lang sa mga pelikula ni Direk Jon na napanood ko. At sa totoo lang, hindi magkakaiba ang mga sinasabi sa ‘sinasapelikula niyang mga istorya tungkol sa buhay ng mga latak ng lipunan – sila ay walang mga pag-asang susuray-suray ang kakayahang paangatin sa disenteng pamamaraan at matatag na estado ang sarili at panlipunang pamumuhay.

E, hindi ba’t ganyan din ang karaniwang pagsasalaysay ng mainstream productions na nagpapalimpak ng diposito sa ATM card habang binobosohan ang buhay ng masa?# Abet Umil

Boso | dir. Jon Red |video

No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: