Skip to content

Reyalismo sa Pixel: Ang Digital na Krusada ni Khavn De la Cruz

19 Mar 2008

“Film is dead. It is dead as long as the economy is dead, when public taste and creativity are dead, when the imagination of multi-national movie companies is dead.”

– Khavn De la Cruz, Digital Dekalogo (Manifesto for a Filmless Philippines)

Sa Pilipinas kung saan maituturing na pambansang aliwan ang pelikula, kataka-takang hindi pa tanyag sa kalakhan ang pangalan at mga likha ni Khavn De la Cruz. Ni hindi nga yata alam bigkasin ng karamihan ang unang pangalan niya.

Sa unang dinig, nakakagulat ito, pagkat sa loob ng lima hanggang anim na taon lamang ng paglikha ng pelikula, nakapagpundar na si Khavn ng reputasyon bilang “pinakamatapang” na filmmaker na nakakatanggap ng kaliwa’t kanang parangal sa mga pandaigdigang pistang pampelikula.

Ngunit kung tutuusi’y “natural” lamang ang kakulangan ng katanyagan ni Khavn sa sariling bayan, tulad ng maraming independiyenteng filmmaker na lumilikha sa labas ng saklaw ng “mainstream” o ng nangingibabaw na kalakarang pampelikula. Isa si Khavn sa maraming de-kalibreng filmmaker na nakasalig sa lokal at pandaigdigang pistang pampelikula para sa pagpapalabas ng kanilang mga pelikula.

Kabalintunaan ito, pagkat palagiang tema sa mga likha ni Khavn ang kahirapan (ekonomikal man o sikolohikal/emosyonal) at pagsasamantala sa lipunan. Mula sa unang maikling pelikula niya na “Alaala ng Madaling-Araw” hanggang sa “Mondomanila” hanggang sa pinakahuling mahabang gawa na “The Family that Eats Soil,” mahihinuha ang nagsasalimbayang pagkamuhi at pagkabighani ni Khavn sa nanggigitatang Maynila – ang Maynila ng mga basura, ng trapik, ng barung-barong na “iskuwater,” at ng mapagpanggap na petiburgesya.

Kung kaya’t hindi maiiwasang minsa’y surreal at absurdo – at kadalasa’y komikal – ang mga imahen sa pelikula ni Khavn. Ngunit hindi malayo sa reyalidad, at pinapaalab ng sensibilidad ng manlilikhang hindi nagpapalulong sa sariling mga demonyo, nilalabanan ang sariling pagkamanhid at alyenasyon.

Bukod sa pangunguna sa paglikha ng mga kakaibang independiyenteng pelikula, masasabing magandang ehemplo rin ang karera ni Khavn ng kung papaano manatiling manlilikha ng pelikula na labas sa “mainstream.” Bilang direktor ng International Digital Film Festival (ginanap noong Marso 2005 sa Cebu), masasabing si Khavn din ang pangunahing tagapamandila ng “digital revolution” sa pelikulang Pilipino ngayon.

Sinewaya: Paano ka nagsimula bilang filmmaker? Dumeretso ka ba sa digital (filmmaking)?

Khavn De la Cruz: Ang mga unang pelikula ko ay analog: analog video, video8, isang Sony Handycam. Wala akong editing machine noon kaya shoot-edit ang ginagawa ko. Nanalo ako sa Tokyo Video Festival sa “Alaala ng Madaling-Araw” na ginawa ko sa pamamagitan nito. Pagkatapos may ginawa akong isang short film sa 16mm sa tulong ng NCCA-Mowelfund. Ito ang original na “Mano Po”, pinamagatang “Amen”, tungkol sa isang batang nabutas ang noo sa kakamano.

Tapos sinimulan ko ang “The Twelve” (Ang Labindalawa), [starring Angel Aquino at isang dosenang kalalahikang hindi artista, musikero, at aktor sa TV at teatro], ang una kong digital feature noong 1999, na naipalabas ko noong 2000. “The Twelve” ay tungkol sa reincarnation ng 12 apostles na naghihintay sa pagbabalik ni Kristo. Gumamit ako ng Canon Xl1 na ginamit ko sa halos lahat ng digital films ko na ngayong taon ko lang ipinagpahinga.

Sinewaya: Bilang alagad ng sining sa larangan ng filmmaking, ano ang mga bente ng pagdi-digital? Ano ang naitutulong nito sa estetika ng iyong mga pelikula?

Khavn De la Cruz: Ang pinakabentahe ay nakabuo ako ng mga pelikula. Nakagawa ako ng siyam na feature, at kalahati sa mahigit kuwarenta kong shorts. Kung itinuloy ko ang una kong plano na i-shoot ang “The Twelve” sa 16mm, baka doon na nagtapos ang filmmaking career ko, dahil sobra kong mato-traumatize sa pagbawi sa inilabas kong pera.

Aesthetics is very subjective. Therefore, on the one hand, it’s secondary. On the other, this is it, this is my aesthetic; What comes out, why I make films, the whole process.

Sinewaya: Sabi ng magkapatid na Red (Raymond at Jon), matagal na raw nagrerebolusyon ang “indie” filmmakers, hindi lang pinapansin. At hindi daw ito (rebolusyon) necessarily digital. Ano ang masasabi mo dito?

Khavn De la Cruz: Kung gusto mong magpakaliteral, nagsimula ang rebolusyon noong early 20th century at may Pinoy na tulad nating baliw na dumampot ng kamera at gumawa ng pelikula nang mag-isa, “independently.”

Kung gusto mo lalong magpakaliteral, nagsimula ang rebolusyon noong 1980s nang maglabasan ang analog video cameras.

May mga TV films na nagawa noong panahong ito na baka gusto mong bigyang pansin. Si Mike de Leon, ginawa ang “Bilanggo sa Dilim” sa video. Si Kidlat, marami ring nagawa gamit ang kanyang videocam.

Noong 80s, may “indie movement” salamat kay Surf Reyes at sa Mowelfund. Pero dahil hindi napondohan nang mabuti, ang mga nakagagawa lang ng pelikula ay iilan at pare-parehong tao.

At hindi rin natin kailangang magpalimita sa loob ng ating bansa, andyan sina Todd Verow, Rob Nilsson, na dati pa sumisigaw ng demokratisasyon sa filmmaking sa pamamagitan ng video (analog o digital).

Sa pagsapit ng “digital revolution,” bagaman hindi ultra-mura, ay abot-kaya na ng karamihan ng gustong gumawa ng pelikula. At makikita na lang natin sa bilang, mas maraming pangalan kang makikitang nakakatapos ng pelikulang digital (short at feature) kaysa celluloid (super8, 16mm, 35mm).

Sinewaya: Mayroon ka bang masasabing adyenda sa paggawa mo ng pelikula? Halimbawa, kung sina Kiri Dalena ang tatanungin, malinaw sa kanilang “pagpapamulat, pag-oorganisa at pagpapakilos” sa masa ang pelikula. Ano ang gusto mong maging epekto sa tagapanood?

Khavn De la Cruz: Ang pelikula ay sining. Ibig sabihin, saklaw niya ang buong range ng human psyche at emosyon. Puwedeng pampulitika, pang-isports, pampamilya, atbp. Sa isang banda, gusto ko lang mang-asar, kaya trip ko ang “brown comedy,” ang version ko ng black comedy. Sa kabila naman, eclectic din ang taste ko. kaya minsan, gusto ko ring mamulitika, mang-aliw lang, manindak, magpaiyak, magpatawa.

Sinewaya: Sa tingin mo ba magiging popular sa hinaharap ang mga tinagurian ngayong “indie filmmakers“?

Khavn De la Cruz: Depende sa depinisyon mo ng popular. Kung ultra-tanyag talaga, imposible yatang maging ganito ang isang underground filmmaker. If you want fame, mainstream is the only way to go. But mainstream is not a style or a mode of filmmaking. It’s just another box, like “indie.” Kung saan depende sa nagpapatakbo, puwedeng makulong ka sa kahon na ’yon. or malayang maka-swimming.

Hindi naman ako si Madame Auring kaya hindi ko alam kung alin sa indie circle quest ang magiging tanyag sa hinaharap. Pero ang sigurado, ang ilan sa pangalan niyong naririnig ay naandyan pa rin sa hinaharap, for better or for worse. Ang iba naman ay maglalahong parang bula(das).

Hindi ko rin alam ang intensiyon, budhi ng bawat filmmaker. Ang iba’y gusto lang namang kumita, sumikat, mag-art, etc. Wala namang masama rito. Basta wala kang inaapakan, yinuyurakan, sinisirang pagkatao/kapwa. Kailangan nating umiral, maipahayag ang sarili natin sa ano mang paraan. Kailangan ding lumamon. Maraming indie filmmakers noon ang nasa ahensiya ngayon, gumagawa ng commercials, ang “land of milk & honey.” Ang iba’y nasa mainstream TV, ang isa pang lugar kung saan bumabaha raw ng salapi.

Pero ang pinaka-bottomline siguro bilang manonood ay kung maganda ba ang pelikula, o hindi. Although, nagiging bomalabs na ito dahil mukhang nagiging matagumpay ang Pinoy TV, sine, media sa pagbobobo sa Noypi. Kaya, mabuhay ang pirata, ang susi sa cultural revolution ng ‘Pinas!

Sinewaya: Heto ang “beauty contest” question, ika nga: kung ikaw ang tatanungin, ano sa tingin mo ang magiging hinaharap ng digital filmmaking sa Pilipinas? Ang industriya ng pelikula mismo, saan sa tingin mo ang patutunguhan?

Khavn De la Cruz: There’s no way to go but digital. Absurd na tanong ito dati pa. Noong 1998, nang manalo ang “Festen” (The Celebration) sa Cannes, using a 1-ccd digicam, napatunayan na “legitimateformat of filmmaking ang digital; and to think na “ultra-olats” ang “quality” nito kumpara sa mga 24p, hdv cams ngayon. Ang channel 2, Star Cinema, Viva Films, Channel 5, Unitel ay nagdi-digital. So ang sagot sa unang tanong, digital goes mainstream.

Ang Pinoy film industry naman, dahil sa digital technology, mga bagong filmmaker at kanilang (sana’y) bagong aktitud at bagong ideyang bitbit nila, ay masisilayan ang pinakamasigla nitong panahon sa buong kasaysayan ng pelikulang Pilipino: the digital age.# Kenneth Roland A. Guda

No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: