Skip to content

Tumbang Preso

18 Mar 2008

Ang bilangguan ang palaruan ng mga batang salarin, kasama ng matatandang kriminal. Marahas ang larong umiiral sa loob ng piitan. Nilalamon ng gutom, sakit, lamig, at lungkot ang mga murang isip. Parusa itong tumutugis sa kanilang mga mapangahas na lumabag sa mga sagradong batas ng lipunan.Ganito ang masalimuot na kalagayan ng mga batang preso na sinikap na bigyang mukha ng pelikulang Bunso.

Bunso

Sa isang piitan sa Visayas natagpuan ang mga bida ng Bunso. Sina Itsoy, 11, Diosel, 11, at Anthony, 13 ay tatlo lamang sa 159 batang presong nagsisiksikan dito.

Lasinggera ang nanay ni Anthony samantalang binubugbog naman siya ng kanyang ama. Tatlong beses na siyang labas-masok sa kulungan sa salang pagnanakaw.

Batang kalye naman si Diosel. Nagnakaw siya ng P40 at tatlong lata ng sardinas sa isang tindahan nang minsang hindi nakapalimos. Tatay niya mismo ang nagpakulong sa kanya.

Si Itsoy naman ang pinakabata at pinakapilyo sa tatlo. Nakulong sa kasong snatching. Madalang na ngang bisitahin ng kanyang ina, madalas pang nagsasagutan tuwing magkikita.

Munting Tinig

Ayon sa direktor na si Ditsi Carolino hangad ng Bunso na maisiwalat ang masaklap na kalagayan ng mga batang preso sa bansa at baguhin ang negatibong pagtingin ng lipunan sa mga batang preso. Layunin rin ng Bunso na maitulak ang 1997 Juvenile Justice Bill na magsasabatas ng paghiwalay sa mga batang preso so matatanda, at maglalatag ng programang rehabilitasyon para sa kanila.

Sinikap ng Bunso na itampok ang mga batang bida hindi lamang bilang mga kaawa-awang biktima ng opresyon, ngunit bilang mga larawan din ng dignidad at katatagan.

Sa kawalan ng voice over at narrator, umangkla ang naratibo ng pelikula sa mismong mga tinig ng bata.

Isa sa pinakamarahas na eksena ng Bunso ay ang panunumbat ni Itsoy sa kanyang ina. “Kung mabuti kayong magulang, wala sana ako dito!” sigaw niya. Sa isa namang eksena, nakita ang kabutihan ni Anthony nang pinangakuan niyang hanapan ng damit pantaas ang isa pang batang preso, samantalang siya mismo, sampung araw nang suot ang kaisa-isang jacket. # Katrina Macapagal

Bunso | 2004 | dir. Ditsi Carolino | 1 hr 3 min | video

Comments are closed.

%d bloggers like this: