Skip to content

Love Mo ’To?: Realidad ng fastfood

18 Mar 2008

Bahagi ba ng lingguhang pamamasyal ng iyong pamilya ang pagkain sa fastfood?

Fastfood ba ang bumubusog sa’yo tuwing breaktime? Sa fastfood ba kayo madalas
tumambay ng iyong mga kabarkada?

Kung “love” mo ang fastfood tulad ng ipinagmamalaki ng advertisement ng
Mcdonald’s, ang nagungunang fastfood chain sa buong mundo, maaari kang
magdalawang-isip kapag mapanood ang pelikulang “Super Size Me” ni Morgan
Spurlock.

Kung may reality TV, mayroon ring reality movie. Ang challenge: walang ibang
kinain si Spurlock, direktor at pangunahing tauhan ng pelikula, kundi pagkain
ng McDonald’s sa loob ng 30 araw upang makita ang epekto ng fastfood sa kanyang
kalusugan. ‘Di tulad ng ibang reality-based ng palabas na simpleng pang-aliw,
seryoso ang mensahe ng nasabing dokumentaryo. Ipinapakita nito kung paano
kumikita ng limpak limpak na salapi ang mga kumpanyang fastfood sa paglason ng
ating mga katawan, at sa kabilang banda, sa paglason sa ating utak na walang
masamang epekto ang pagkain ng produktong fastfood.

Mapanganib na eksperimento

Sa pamamagitan ng malawakang advertising, matagumpay na kumapit ang Amerikanong
kompanyang ito sa panlasa at bulsa ng mga mamamayan sa iba’t-ibang sulok ng
daigdig. Mayroong mahigit 30,000 Mcdonald’s sa 100 bansa sa buong mundo.
Pinapakain ng McDonald’s ang mahigit 46 milyong tao kada araw. Sa Pilipinas,
halimbawa, sino ngayon ang hindi marunong kumain ng french fries at burger,
umiinom ng Coke?

Ngunit mismo sa bansang pinakamalakas ang impluwensiya ng Mcdonald’s sumisingaw
ang kritisismo sa fastfood. Noong nakaraan, dalawang Amerikana ang nagsampa ng
kaso sa korte laban sa McDonald’s dahil ang pagkain nito umano ang dahilan ng
kanilang labis na katabaan o obesity. Lumalabas sa mga pag-aaral na 60% ng mga
Amerikano ay overweight o obese.

Ibinasura ng korte ang reklamo, ngunit ang kasong ito ang nagtulak kay
Spurlock na ihayag ang katotohanan ukol sa fastfood sa pamamagitan ng
pagsasagawa ng isang delikadong eksperimento.

Isang malusog na vegetarian, hindi naging madali para kay Spurlock na sundin
ang tatlong alituntunin sa loob ng halos isang buwan: 1) Kumain 3 beses isang
araw ng pagkaing Mcdonald’s; 2) I-super size (o sa atin, i-upsize) ang order
kapag tinanong ng kahera; at 3) Subukan ang lahat ng nasa menu ng Mcdonald’s.

Hindi inasahan ni Spurlock ang matinding side effects na naranasan sa
kasagsagan ng kanyang eksperimento.

Mula sa 185 lbs., tumaas sa 210 lbs. ang timbang ni Spurlock. Mula 11% body fat
content, tumaas ito sa 18%. Dumoble ang kanyang panganib na magkaroon ng atake
sa puso at diabetes. Naging malubha ang kalagayan ng kanyang atay.

Nagkaroon siya ng malulubhang sakit ng ulo, mood swings, at depresiyon. Lagi
siyang pagod at nahihirapang umakyat sa hagdanan. Nagbigay pa ng testimonya ang
kanyang girlfriend na nawawalan rin ng gana si Spurlock sa pagtatalik.

Nakumpirma ang ganitong mga epekto ng iba’t-ibang mga doktor at nutritionists.
Sa 100 nutritionists na nakapanayam ni Spurlock, 44% ang nagsabing hindi dapat
kumakain ng fastfood kailanman.

Natuklasan ni Spurlock na habang tumatagal, nakaka-addict ang pagkain ng
McDonald’s, at sumasaya lamang siya kapag nakakakain nito. Ayon sa mga
eksperto, totoong may nakaka-addict na elemento sa mga pagkaing processed tulad
ng fastfood. Mas delikado rin ang pagkaing processed (halimbawa, Chicken
McNuggets) kaysa pagkaing unprocessed dahil sa mga kemikal na inilalagay dito.

Nang unang sinubukang mag-super size ni Spurlock ng kanyang pagkain, nasuka ito
dahil sa laki at dami ng order. Kung susuriin, kailangan maglakad ng pitong
oras nang walang tigil upang matunaw ang calories na mula sa pagkain ng isang
super sized na Coke, Big Mac at french fries.

Sa kabuuang 30 araw na pagkain ng McDonald’s, kumonsumo si Spurlock ng 30
pounds ng asukal at 12 pounds ng taba. Inabot si Spurlock ng mahigit 9 buwan
upang maibalik sa dati ang kanyang kalusugan.

Bukod sa personal na epekto ng kanyang labis na pagkonsumo ng pagkaing
McDonald’s, inilahad ni Spurlock kung gaano kalaganap ang impluwensiya ng
fastfood sa mga Amerikano at ang sari-saring mga taktika ng kumpanya upang
maibenta ang kanilang produkto.

Ininterbyu ni Spurlock ang mga karaniwang Amerikano at natuklasan kung gaano
sila kadalas kumain ng fastfood. Kabilang dito si Don Gorske mula sa Texas, na
kasalukuyang may world record sa pinakamaraming nakain na Big Mac, umaabot sa
190,000.

Ayon sa McDonald’s, 22% ng kanilang mga kostumer ay “super heavy users” o
kumakain sa kanila nang tatlo hanggang apat na beses isang linggo, habang 78%
ay “heavy users” na kumakain nang isa hanggang dalawang beses isang linggo.

Pagbebenta sa kabataan

Nababahala si Spurlock sa agresibong pagbebenta ng McDonald’s sa mga kabataan.
Nariyan ang playground, birthday parties, at Happy Meal upang masanay sa
fastfood sa murang edad.

Sa isang ehersisyong isinagawa ni Spurlock, nakilala kaagad ng mga batang
tatlong taong gulang ang litrato ni Ronald McDonald, habang hindi nila nakilala
ang imahe ni Hesukristo.

Inimbestigahan ni Spurlock ang pagkaing inihahain sa mga eskuwelahan sa US.
Kagulat-gulat nang mapatunayan na junkfood tulad ng french fries, pizza, potato
chips, at Coke ang kadalasang lamang ng tiyan ng mga kabataan tuwing recess o
lunch, dahil ito rin ang mga pagkaing binebenta sa kanilang canteen.

Sa isang taon, gumagastos ang McDonald’s ng $1.4 bilyon sa advertising. Hindi
tuloy nakapagtataka na kontrolado ng McDonald’s ang 43% ng merkado ng pagkain
sa US. Tulad ng iba pang produkto sa kapitalistang ekonomiya, kinokonsumo ang
mga pagkaing palaging bukambibig ng mass media.

Subalit sa kabila ng diyetang junkfood na nagdudulot ng obesity, mapapayat at
seksing mga indibidwal (tulad ng Cosmopolitan Girl) ang iniidolo sa mass media.
Nagdudulot ito ng malaking stress sa mga kabataan ngayon, ayon sa isang panayam
ni Spurlock sa babaeng teenager.

Responsibilidad

Sinubukan ni Spurlock na kunin ang pahayag ng McDonald’s ukol sa nasabing isyu,
ngunit tumanggi ang mga opisyal nito na makipag-usap sa kanya.

Ngunit matapos mag-premiere ng “Super Size Me” sa Sundance Film Festival, kung
saan nanalo si Spurlock ng Best Director, itinigil ng Mcdonald’s ang pag-super
size. Itinanggi ng McDonald’s na ang desisyon ay impluwensiyado ng pelikula, na
tinangkilik sa takilya ng maraming Amerikano.

Marahil, pumatok ang nasabing pelikula dahil halos lahat ng manonood ay
kumakain sa fastfood at interesado sa mga sikretong itinatago mula sa kanila ng
industriyang umaapekto sa kanilang pangaraw-araw na buhay.

Bilang isang dokumentaryo, hindi ito boring, lalo na para sa mga kabataang
manonood. Bukod sa malaman at interesanteng mga eksena at appeal ng kakaibang
challenge, makikitaan pa ito ng mga orighinal na surrealist artwork na
nagsasalarawan kay Ronald McDonald sa iba’t-ibang katauhan, ayon sa paksang
tinatalakay. Mayroon ring mga nakakatawang kantang punk na inilikha para lamang
sa pelikula, tulad ng theme song na “Super Size Me” na isinulat rin ni
Spurlock.

Inaamin ni Spurlock na extreme ang kanyang ginawa sa pelikula, ngunit
napatunayan niyang walang duda ang masamang epekto ng fastfood sa kalusugan.
Sinabi niya na nasa tao ang pagdedesisyon, ngunit malaki rin ang pananagutan ng
kumpanya sa irresponsableng pagbebenta nito ng kanilang produkto.

Kung papalawakin pa ang konspeto ng pelikula, maganda sanang matalakay kung
paano sinisira ng McDonald’s franchise sa iba’t-ibang bansa ang lokal na
kultura at industriya ng pagkain. Masasabi na isa ang McDonald’s sa mga
pinakamatingkad na simbolo ng paghahari ng US sa ekonomiya, pulitika, at
kultura sa daigdig.

Gayundin, maaaring busisiin ang paggamit ng “makabago” ngunit lubhang
delikadong teknolohiya ng genetic engineering sa pagkain, na tinatangkilik ng
mga malalaking fastfood tulad ng McDonald’s. Hindi kapani-paniwala na ang isang
kalahating talampakan na super sized french fry ay nagmula sa isang natural na
patatas.

Marami pang bahong itinatago ang mga fastfood na “love” natin. # Ilang-Ilang D. Quijano

Super Size Me| dir. Morgan Spurlock | 100 min | video

Comments are closed.

%d bloggers like this: