Skip to content

Isang kasalukuyang pangangailangan: Mga Dokumentaryo ng Pakikibaka

18 Mar 2008

Kalalabas lang ang dokumentaryong “Sa Ngalan ng Tubo” tungkol sa welga sa Hacienda Luisita ng angkang Cojuangco-Aquino. Tila ang dokumentaryo ang pormang makasining na mariing tumutugon sa ating panahon. Nandiyan na ang “Farenheit 9/11”in Michael Moore na tumuligsa sa Amerikanong presidente na si George W. Bush at ang kanyang imoral na pambobomba at pananalakay sa Iraq. Nagwagi ito ng premyo bilang pinakamahusay na sine. Nandiyan din ang documentaryong “Imelda” in Ramona Diaz na bukod sa mahabang interbyu kay Imelda ay nagsama ng maraming film clips sa panahon ng mga Marcos at ang kanilang mga karahasang ginawa sa taong bayan.

Ngayon narito na ang documentaryo tungkol sa kasalukuyang nagaganap na karahasan sa Hacienda Luisita, and “Sa Ngalan ng Tubo” sapagkat “Tubo ang umusbong mula sa pawis at dugo ng mga nagbubungkal. Tubo ang nalikha mula sa sipag at sakripisyo ng mga nagpapagal.” Ito ay alay sa mga martir ng Hacienda Luisita Masaker at sa mga manggagawa at magbubukid na patuloy na lumalaban. Ang mga butihing sponsor ng dokumentaryo ay ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER Inc.), Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), Tudla Multimedia Network, Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA), POKUS Gitnang Luson Multimedia Group, at Mayday Productions.

Noong November 16, 2004, pito ang nabaril at namatay sa hanay nga mga manggagawa, manggagawang bukid, at mamamayan ng Hacienda Luisita sa kanilang piketline bilang mga welgista. Ang welga ay karapatan at sandata ng mga manggawa at magbubukid laban sa matinding pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at may-ari ng pabrika. Ngunit hindi lamang ito binuwag ng mga sundalo ng estadong nagtatanggol sa mga panginoong-maylupa, kundi pinaulanan pa ng mga bala ang mga magwewelga. Ang karahasang ito ay pinahintulutan ng opisyal na si Patricia Santo Tomas at ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na ayaw magsalita laban sa dating presidente na si Cory Aquino na sumambit lang daw ng “Let us pray” sa malaking karahasang ito. Subalit sanay na si Cory Aquino sa mga masaker – baka siya pa nga ang tunay na “masaker queen”. Ngunit hindi nakukuha ito sa biro o sa pagtitili sa sinehan. Noong panahon niya nangyari ang kahi-kahilakbot na Mendiola Massacre, bale kapupuwesto lang niya noon sa poder. Nasa kanyang panahon din ang Lupao Massacre kung saan pinagpapaslang ng mga sundalo ang isang komunidad na nagbibigay tulong daw sa mga NPA. Si Cory Aquino din, sa tulong ng CIA na General Singlaub ang nagbuhay ng mga vigilantes sa Mindanao na nagsabog ng lagim sa kanayunan sa kanilang pagpupugot ng ulo at pagpapatay ng mga progresibo. Sinabitan pa nga niya ng medalya si General Calida sa kanyang pagpapatupad sa karimarimarim na tungkulin. Kamakailan lamang, inampalan din si Cory Aquino ng medalya o Award for Peace ng isang malaking institusyon sa Estados Unidos na tumatangkilik sa mga naghaharing-uri na tumataguyod sa “kapayapaan” sa pamamagitan ng panunupil at dahas sa taumbayan.

Ang dokumentaryong “Sa Ngalan ng Tubo” ay mahalaga dahil nasipi nito ang eksena ng masaker mismo. Kumukuha lang ng video at biglang nagpaputok na tuloy-tuloy ang mga sundalo ng estado na pinatawag na hacienda galing Tarlac. Nakayukong nagtakbuhan ang mga tao sa ibat-ibang dako. Noong humupa na nakita ang pitong taong tinamaan ng bala at namatay. Biglang nag-iyakan at nagsigawan ang mga tao. At lalong nangibayo ang galit ma ipagpatuloy ang kanilang laban. Napakaliit naman ang tinatanggap nilang sahod at hindi ito nagbibigay ng tunay na kabuhayan. Ang pagkamatay ng kanilang mga kasama ay napakataas na halaga na hindi kahit kailanman matutumbasa ng dukhang sahod na binibigay ng mga Cojuangco-Aquino na milyun milyun ang kinikita sa isang araw. Mahalaga ang dokumentaryo sapagkat ano man ang gawin ng mga naghaharing-uri ay hindi mabubura sa kaisipan nga mga taong inaalipin ang pangyayaring ito. Hindi nila maaring pabulaanan na walang nangyari. Hindi makapagtanim ng duda ng mga may-ari kung totoong nangyari man. Samakatwid, kaugnay sa pangyayaring ito ang pagpaslang sa pangunahing testigo sa korte upang hindi makabigay ng kanyang testigo. Ngunit ang dokumentaryong ito ay nagbibigay testigo kahit ano man ang mangyaring pasya ng korte. Ang mga dokumentaryo ay testigo ng ating panahon. At habang may natitira pang kopya ay napapatunayan ang mga pangyayari laban sa taunbayan at kailan mang hindi mabubura sa isip.

Magaling din ang pagkagawa nito. Upang lubos na maunawaan at tuloy-tuloy ang daloy ng mga pangyayari ay may narrator na nagpapaliwanag. Maliwanag at klaro ang boses ng narrator. Ang mga kanta at musika ay bumabagay din sa dokyu. Madalas na pinapakita ang mga taong magkaakbay at samasama sa piketline. Ngunit meron ding eksena kung saan kinakausap o iniintervyu ang mga indibidwal or maliit na grupo. Sa huli ay pinapakita ang tuloy-tuloy na pakikibaka ng mga manggagawa at manggagawang bukid ng hacienda ng mga Cojuangco-Aquino kung saan ginanap ang Hacienda Luisita Masaker. # Alice Guillermo

Comments are closed.

%d bloggers like this: