Skip to content

‘Pulitika ang Nagpapayaman sa Sining:’ Panayam kay Kiri Dalena, progresibong dokumentarista

18 Mar 2008

Naniniwala si Kiri Dalena, isa sa mga tagapanguna ng Southern Tagalog Exposure (STEx), organisasyon ng mga progresibong manlilikha ng pelikula, na lalong nagkakaroon ng pambihirang direksiyon ang paglilikha ng sining sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sinasaligang masa at pagtatangan ng paninindigang pulitikal.

Sa panayam na ito, ipinaliwanag ni Kiri kung paano siya nagsimula bilang manlilikha ng mga dokumentaryong palabas at papaano nagsisilbing inspirasyon sa kanya ang hangarin ng isang malaya, mapayapa at maunlad na lipunang Pilipino.

Sinewaya: Paano ka nagsimula bilang documentary filmmaker?

Dalena: Taong 1996 ko unang pinasok ang documentary filmmaking sa pamamagitan ng proyektong “Memories of a Forgotten War” na idinirehe ng nakatatandang kapatid ko na si Sari at ng Fil-Am na si Camilla Benolirao Griggers. Nakasama ko si Lilia Quindoza Santiago sa pagsusulat ng Tagalog script ng documentry na ito na tungkol sa Philippine-American War. Naging production designer, tagalinis at kulay ng archival photos, nagbigay ng tagalog voice-over at post-production manager din ako dito. Ako rin ang nagsilbing katulong ng kapatid ko sa location hunting at casting. All-around kung baga,
lalo na dahil independent film endeavor ito. Tumigil(pinatigil) ako mag-aral sa kolehiyo ng dalawang semesters para lang matapos ang “Memories”.

Pagkagraduate ko sa UPLB ay natanggap ako sa creative documentary workshop ng MFI. Nagsanay bilang 16 mm cinematographer at naging bahagi ng gay film na “Palugid”. Pagkatapos nito ay binuo na namin ang People’s Center for Progressive Media in Southrn Tagalog o ST Exposure. nandito pa rin ako hanggang ngayon.

Sinewaya: Ano ang mga nag-inspire o tumulak sa’yo para pasukin ang artform na ito?

Dalena: Wala talaga ito sa plano ko noon. Akala ko magiging environmentalist ako. Pero iba ang nangyari. Crucial ang naranasan kong “political awakening” bilang lider estudyante sa UPLB. Tagapangulo ako ng Gabriela Youth at pangkalahatang kalihim ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan. Nakapag-integrate sa mga nakawelgang manggagawa sa Laguna at sa mga magsasaka sa kanayunan. Mula noon hindi na lamang ang sarili ko ang isasaalang-alang ko. So tingin ko ang principles na tangan ko ang nagtulak sa akin dito. Nagkataon na may interes at kakayanan ako sa visual arts. Idagdag mo na rin yung personal ko na paninindigan na dapat ay mas dumami pa ang mga babaeng filmmakers. Kaya sa tingin ko naging inevitable ang pagiging documentary filmmaker ko. Naunawaan ko ang pangangailangan na isulong ang ganitong tipo ng sining na magsisilbi sa pakikibaka ng mga pinagsasamantalahang uri sa lipunan. Nagagap ko rin ang mahalagang papel na dapat na gampanan ko bilang babae at artistang makabayan.

Sinewaya: Sa karanasan mo sa ST Exposure, gaano kahirap o kadali ngayon ang maging isang documentary filmmaker?

Dalena: Madali maging documentary filmmaker dahil hindi mo na kailangan na humugot ng kung anu-anong mga talinghaga mula sa kung saang malalim na balon. Lumingon ka lang sa paligid ay matatanaw na agad ang sanlaksang mga buhay at paksa na sumisigaw para maisapelikula. Ang mahirap ay sa teknikal na aspeto. Access sa camera, tapes at editing equipment. Ang positibo naman sa panahon ng henerasyon natin ay ang pagkakaroon ng alternatibong video, analog man o digital format. Higit na abot-kaya kumpara sa celluloid film at filmmaking process na bagamat may kakaibang aesthetic appeal ay mahal.

Sa partikular na karanasan sa ST Exposure, naging mahirap ang pagiging documentary filmmaker dahil mainit sa awtoridad at sa mga militar ang mga paksa na ginawan namin ng documentary. Yung “Alingawngaw ng mga Punglo” ay tungkol sa human rights situation sa Southern Tagalog. Buhay ang isinugal para magawa ito. At sa aktwal na proseso ang dami namin nakilala at tumulong mismo sa documentary na pinatay na rin ng militar. Yung karelasyon ko mismo ay dinukot at inagawan ng video equipment. Ang mga kasama niya non na si Eden Marcellana at Eddie Gumanoy ay pinatay. Nandoon din yung hapdi na nasasaksihan mo na paulit-ulit na nangyayari yung pagpaslang sa mga walang laban na mga magsasaka, mga sibilyan. O di kaya makita mo kung paano itrinatrato na parang mga hayop yung mga tao. Iniiwan na nakabilad sa araw ang mga bangkay ng mga pulang mandirigma, pinapabayaang maaganas.

Emotionally napakabigat. Lalo na dahil pauli-ulit na nangyayari. Hindi pa naililibing yung isang biktima ay may panibago na naman. Hindi nagtagal tinanggap ko na ang realidad na ito. Digmaan ito. Marahas at matagalan. Naunawaan ko na kumpara sa karamihan napakaliit na sakripisyo lang ang hinihingi sa akin. Ang magpakatatag at magpatuloy sa pagsalin ng kanilang buhay at karanasan sa pelikula.

Sinewaya: Ano ang kinabukasan, sa tingin mo, ng documentary filmmaking sa bansa?

Dalena: Sa tingin ko malaki ang kinabukasan ng documentary filmmaking sa ating bansa. Tatak ng documentaries ang masasabi nating “urgency” at “timeliness”. Sa isang bansa kagaya ng Pilipinas na patuloy na dumaranas ng kahirapan, inhustisya at katiwalian, malaki ang maiaambag ng documentary filmmaking sa pagmumulat at paghihikayat na kumilos ang mga tao para sa pambansang pagbabago.

Sinewaya: Makakatulong ba, sa tingin, mo na may sinasaligang organisasyong masa ang documentary filmmakers? Ano ang pagtingin mo sa pananaw ng maraming filmmakers na nakakasagabal sa trabaho nila bilang artists ang pagkakaroon ng political advocacies?

Dalena: Hindi ako naniniwala na sagabal sa trabaho, sa pagiging malikhain, ang pagkakaroon ng political advocacies. Sa sarili kong karanasan ang pagkakaroon ng sinasaligang masa at paninindigang pulitikal pa nga ang higit na nagpapayaman sa likhang sining.

Sinewaya: Sinasabi ngayon sa US na dahil sa docu ni Michael Moore na Fahrenheit 9/11 mas magiging popular ang political documentaries bilang porma ng entertainment at paraan ng political na pagpapakilos. Ano sa tingin mo ang prospects ng political documentary filmmaking sa Pilipinas?

Dalena: Matagal na ang praktika ng paglikha ng political documentaries sa Pilipinas. Patuloy na lalaganap, tataas ang porma at tatalas ang laman ng ganitong tipo ng mga pelikula. Pero matagalang struggle ang pagpopularisa nito sa Pilipinas dahil hindi agad nababasag ang dominanteng pagtingin na ang silbi ng mga pelikula ay para pansamantalang makalimot ang manonood sa realidad ng buhay. Kaya ang tingin ko ay napakahalagang aspeto na dapat na tutukan ng documentary filmmakers ang pagtiyak na maitanghal ang mga pelikulang ito. Kasama sa pagpupursige sa paglikha ng ganitong mga documentaries ang paglaan ng malaking panahon para matiyak na maipalabas ito sa pinakamalaking bilang ng manonood.# Kenneth Roland A. Guda

No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: