Skip to content

Beauty and Madness

18 Mar 2008

Matikas ang pagkakatindig ng balo sa tabi ng kanyang yumaong asawa. Minasdan niya sa loob ng salaming kabaong ang katawan nitong nababalutan ng wax. Kahit sa pagkakahimlay, mayabang nitong inari ang “Filipino” sa kanyang epitaph. At kung siya naman ang papanaw, nais niyang iukit sa lapida ang mga katagang “here lies love.”

Sa loob ng pito at kalahating dekada ng kanyang pag-iral, nais pa ring ipapaniwala ni Imelda Romualdez Marcos sa sarili na ang kagandahan ay bukal ng katotohanan at pag-ibig. Siya’y phoenix, siya’y paruparong bakal.

Life is Beautiful

Sa pagkahawi ng telon, siya ang musa ng sining ang bida. Tila isang epiko ang kanyang kwento—ulila ng Leyte sa bisig ng bayani ng Ilocos, si Ferdinand Marcos. At ang minimithi niyang kasikatan wala na lang sa entablado kundi sa mismong palasyo ng Malacañang.

Itinanghal ang kwento ng kanilang “wagas na pag-iibigan” ni Ferdinand sa pelikulang Iginuhit ng Tadhana bilang huling hakbang papasok sa palasyo ng Malacañang. Ngunit ngayon pa lamang masasaksihan ng madla ang isang “kritikal” na naratibong nakasentro mismo sa buhay ni Imelda sa kabila ng mga naglipanang nasulat na talambuhay niya.

Katuparan ng pangarap na proyekto ni Ramona Diaz ang pagtatanghal sa halos kalahating dekadang pagdodokumentaryo ng buhay at panayam kay Madam Imelda. Sa nakapaskil na promotional materials, binubuo ng maraming sapatos ang imahe ni Imelda na minamasdan ang kanyang ‘di kumukupas na ganda sa isang personalized gold compact. Ganito tinangkang ilarawan ni Diaz si Imelda, bilang personalidad at ikonograpiya.

The Beautician and the Beast

Angkop ang pagtalakay sa buhay ni Imelda kung nais ng filmmaker na ipakita ang pambansang pagkakakilanlan at ang kontradiksyon ng kagandahan. Walang ibang paraan, marahil, upang ipakilala si Imelda kundi sa pamamagitan ng isang makinis, pulido at, siyempre, magandang pelikula. ‘Di kataka-taka kung bakit kahusayan sa sinematograpiya sa nagdaang Sundance Film Festival ang nakamit ng pelikula ni Diaz. Mapapansin din ito sa paggamit ng wikang Ingles bilang subtitle (international audience) na nagpapatunay sa world-class beauty/notoriety ng karakter na napili ni Diaz.

Kaya’t bago pa man masilayan ng bansang dapat sana’y nakakakilala na sa kanya, si Imelda mismo ang humiling sa korteng pigilan ang pagpapalabas nito. Para kay Imelda, ang dokumentaryong Imelda ni Diaz ay kabaliktaran ng kanyang inadhikang “the true, the good and the beautiful.” Ayon nga sa cliché na kasabihan, “ang pelikula ay salamin ng lipunan.” At sa pananalaming ito, hindi nagustuhan ni Imelda ang kanyang pinapakitang imahe.

Dahil para kay Imelda, isinasabuhay niya ang kagandahan. Aniya, “beauty is love and God made real.” At kinakailangan niyang manatiling maganda, maging isang bituin, dahil siya ang Pilipinas sa bawat pakikipagtagpo niya sa mga pinakadakilang pinuno ng daigdig. Iwinaksi umano ng kanyang pag-iral bilang isang glamorosang unang ginang ang kaisipang nananatiling mga unggoy ang mga Pilipinong dapat bihisan.

Crazy/Beautiful

Kay Imelda, madali at natural ang maging maganda. Ngunitm, nagiging madali lamang ang pagpapaganda kung may mga manggagawang kakayod nito para sa kaniya, gaya nang sinabi ng kaniyang couturier na si Christian Espiritu. Halos mabulag ang ilan sa mga tagaburda ng mga ternong kaniyang pinaparada sa mga pinakamagagarbong salusalo sa kabilang panig ng daigdig.

Kung paanong pinapanatiling maganda ni Imelda ang sarili, gayun din naman ang kaniyang nais maging hubog ng kaniyang “City of Man”—ang Maynila. Bukod sa pagiging unang ginang, naging gobernadora siya ng Metro Manila at tagapangasiwa ng Ministry of Human Settlement kung saan niya naipatayo ang Cultural Center of the Philippines Complex, Folk Arts Theater, Lung at Heart Center. Mas nanaisin pa raw niyang magtayo ng mga sentrong pangkultura sa halip na mga pabahay dahil ayaw niyang umastang pulubi ang mga Pilipino.

Nais ibudyong sa buong daigdig ni Imelda ang natatanging pagkakakilanlang Pilipino, at siya bilang ina ng bansa. Ngunit kahibangang maituturing na mas bigyang pansin ang identidad ng isang bansang third world kung saan mas kinakailangan pang tugunan ang kahirapan ng mamamayan. Ang lahat ng bagay naman daw kay Imelda ay personal. Kaya’t maihahalintulad ang Maynila noon sa mismong katawan ni Imelda.

Sa kanyang pagnanais na manatiling maganda ang lungsod maging ng kanyang katawan, isinusuka nito ang “kalabisan” at mga “di kaayaayang elemento” tulad ng kahirapan. Sa proseso ay hindi natutugunan ang pangangailangan ng nakararami, bagkus, ang pagpapantasyang ito sa utopiya ay naglilikha lamang ng karagdagang opresyon sa mga tao.

Ngunit mas nakilala si Imelda sa buong mundo dahil sa taglay niyang higit 3,000 sapatos. Sabi nga ng isang advertisement sa Amerika, “there’s a little Imelda in all of us.” Tinutukoy nito ang pagiging banidosa ng mga mamimili tulad ni Imelda na siyang puntirya ng produktong ibinebenta.

American Beauty

Ikinalugod ni Imelda ang pagiging icon ng ganda at yaman. Mapapansin ito nang sinabi niyang mas mabuting sapatos ang laman ng kanyang aparador kaysa mga lansag na kalansay. Ngunit, alam ng marami na hindi totoo ito. Kamakailan, napagdesisyunan ng korte na ibigay ang mga tagong yaman ng pamilya Marcos mula sa Switzerland sa mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao noong Batas Militar. Bahagyang tinalakay ito ng dokumentaryo sa pamamagitan ng pagpasok ng ilang panayam sa mga biktima ng pandarahas ng rehimen at iilang video clips.

Kapos ang pagtalakay ng Imelda bunsod na rin ng layunin ng dokumentaryo—si Imelda bilang persona. Mapapansin ito sa paglalaro ng pelikula sa pilosopiya ni Imelda tulad ng pagmukhaing katawa-tawa ito sa pagpapaliwanag ng kaniyang bersyon ng “7 Portals to Peace and Order” sa kanyang librong Circles of Life . Dahil sa nakasentro ang dokumentaryo kay Imelda, mababaw lamang ang pagtalakay sa mas malalaking impluwensiya at implikasyon ng pulitikal na kapangyarihang sinisimbolo ni Imelda, tulad ng malapit na relasyon ng pamilya Marcos sa mga naging pangulo ng Estados Unidos.

Sa pagbagsak ng rehimeng Marcos, naghinanakit si Imelda sa Amerika nang suportahan nito ang gobyerno ni Aquino at ang pagpapatalsik sa kanilang “conjugal dictatorship.” Hindi ito napalalim ng direktor at nagbigay pa ng mas mabigat ng komentaryo. Sapagkat hindi naman magagawa ni Imelda at ni Ferdinand Marcos ang magtagal ng dalawang dekada sa kapangyarihan kung walang basbas ng US. Niluklok si Marcos upang maapula ang lagablab ng komunismo sa Timog Silangang Asya matapos magtagumpay ang sosyalistang Vietnam laban sa interbensyong Amerikano. Sinuportahan ng administrasyong Reagan ang diktadura sa kabila ng malawakang pang-aabuso ng mag-asawang Marcos.

A Beautiful Mind

At hindi lamang nag-iisa si Imelda sa hanay ng kababaihang binigyan ng ganitong kapangyarihan. Nariyan ang mga militaristang sina Madeline Albright ng Estados Unidos, Margaret Thatcher ng Britanya at maging si Gloria Macapagal Arroyo. Ang kaibahan lang ni Imelda sa kanila ay kung paano nito naikubli ang sagad-sagarang pang-aabuso sa likod ng binabandila niyang “the true, the good, and the beautiful”—o ng cosmetics kung pagababatayan ang mga panayam sa dokumentaryo.

Sa kabila ng pana-panahong pang-uuyam sa karakter ni Imelda sa pamamagitan ng epektibong editing, nabigyan ng isang makataong mukha si Imelda. Binibigyan ang manonood ng puwang para mahabag sa isang “misunderstood” na karakter. Sa kabilang banda, sumusundot pa rin ang direktor ng mga komentaryong hindi naman kaila sa Pilipino. Ngunit malaking bahagi naman ng pelikula ay para sa dayuhang kritiko at manonood.

Lumalabas na isang “parangal” sa pagsasabuhay ni Imelda ng kagandahan ang pagkakagawa ng makinis na pagsasalaysay sa kaniyang buhay.Hindi nagtagumpay ang pagkitil kay Imelda gamit ang isang “pangit” na bolo. Sana lang daw nilagyan ito ng dilaw na ribbon bago siya sinugod. Noong 1986, milyun-milyong Pilipinong nakasuot ng dilaw ang nagpaalis sa kanya sa mahal niyang palasyo, tangay-tangay ang mga di maiwang diyamante. # Jayson dP. Fajarda & Karl Fredrick M. Castro

Imelda | dir. Ramona Diaz | 103 min | video

Comments are closed.

%d bloggers like this: