Skip to content

Dili Matugkad ang Suba*

18 Mar 2008

Mapayapang nagsasagwan ang bangkerong si Duroy sa ilog. Mula sa punong niyog nagluluksuhan sa tubig ang mga bata. Halos dama na ang kinis ng tubig sa dulo ng daliri. Tahimik na nagmamasid ang tarsier mula sa puno. Ito ang Pilipinas bago malapastangan ng Ikawalang Digmaang Pandaigdig, ayon sa obra ni Cesar Montano, ang Panaghoy sa Suba (Call of the River).

Ang directorial debut ng aktor na si Montano ang nag-iisang pelikulang Metro Manila Film Festival na Cebuano ang wika. Layunin ng direktor na buhayin ang industriya ng pelikulang Bisaya. Matagal nang walang pag-usad sa industriyang ito. Tampok ang mga pelikulang Bisaya noong 1950s. Tinuring pang reyna at hari nito sina Mat Ranillo at Gloria Sevilla. Noong 1960s pinrodyus ni Sevilla ang Badlis sa Kinabuhi, na nagtagumpay sa FAMAS. Noong taong 1973 naman nang gumanap si Gina Pareño sa pelikulang Medalyon nga Bulawan ni Annabelle Rama. Subalit mula noo’y wala nang nangahas gumawa pa ng ganitong pelikula.

Sinulat mismo ni Montano at Cris Vertido ang Panaghoy sa Suba. Magsisimula ang kwento sa panahong nagbabanta na ang digmaan sa Bohol. Maraming lalaking humahanga kay Iset (Juliana Palermo), ang dalagang nililigawan ni Duroy (Montano) – ang mayamang Amerikano at maging ang kapatid ni Duroy na si Ibo. Nang dumating ang mga Hapon, pati ang kapitan ay napaibig rin kay Iset. Samantala, lahat ng kalalakihan ng barangay ay naglipana sa kabundukan. Naging pinuno ng mga rebelde si Duroy. Di nagtagal, sinalakay na ng mga Pilipino ang mga Hapon. Nang matapos na ang digmaan, bumalik na sa dati ang pamumuhay. Samantala, tinanggihan ni Iset ang pag-ibig ng Amerikanong si Mr. Smith at nagbalik ang kanilang pag-iibigan ni Duroy.

Isang tipikal na epiko-pelikula ang Panaghoy sa Suba: isang kwento ng pag-ibig at pagkaligtas mula sa pananakop. Hindi na bago ang kwento ng lalaking nagrebelde at ang babae bilang dahilan ng alitan. Gasgas na ang babae bilang simbolo ng Pilipinas, pilit inaakit at nililigawan ng mga dayuhan.

Maraming kritiko ang nagsasabing ang ganda ng Panaghoy ay nasa matulaing katahimikan nito, na angkop sa pagiging melodrama nito. Sa ganitong genre ng pelikula, sinusubukan ng katahimikan at salita ang kapangyarihan ng isa’t isang magpahiwatig ng damdamin sa manonood. Kaya’t tampok ang tahimik subalit makapangyarihang pag-arte.

Ngunit sa midyum kung saan ang pangunahing paraan ng artikulasyon ay biswal, mahalagang napupuspusan ng mga naririnig na salita ang mga pagkukulang sa napapanood.

Dahil sa karamihan sa mga aktor na pinili ni Montano ay mga Cebuano, hindi na naging hadlang ang pagbigkas ng wika. Subalit ang mga linya ng mga tauhan ay tila Tagalog lang din na isinalin sa Cebuano. Nakatutuwa lamang ito sa pandinig ng isang hindi Cebuano dahil sa lambot ng pagkabigkas nito subalit hindi naman lubos na nabibigyang-halaga ang wika.

Walang bagong istoryang naisalaysay ang Panaghoy sa Suba. Nais man nitong maging alternatibo sa ibang entries ng MMFF at buhayin ang industriya ng pelikulang Bisaya, hindi bumalikwas ang naratibo sa nakagawian. Bagkus, ito’y isa na namang bersyon ng digmaan – ikinubli sa binisayang maskara. # Alyx Ayn Arumpac

* Di maaabot ang kailaliman ng ilog

Panaghoy sa Suba | dir. Cesar Montano | 129 min | 35 mm
No comments yet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: